Ezekiel 28
Darby Translation (en) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi sa akin ng Panginoon:
- 2
“Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabi: ‘Sa iyong pagmamataas ay iyong sinasabi na isa kang diyos na nakaupo sa trono sa gitna ng karagatan. Ngunit ang totoo, kahit na ang tingin mo sa iyong sarili ay marunong katulad ng isang diyos, tao ka lang at hindi diyos.
- 3
Iniisip mong mas marunong ka pa kaysa kay Daniel at walang lihim na hindi mo nalalaman.
- 4
Sa pamamagitan ng iyong karunungan at pang-unawa ay yumaman ka, at nakapag-imbak ng mga ginto at pilak sa iyong kaban ng kayamanan.
- 5
Dahil mahusay ka sa pangangalakal, lalo pang nadagdagan ang iyong kayamanan at dahil ditoʼy naging mapagmataas ka.
- 6
“ ‘Kaya sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: Dahil ang tingin mo sa sarili ay matalino tulad ng diyos,
- 7
ipapalusob kita sa mga dayuhan, sa pinakamalulupit na bansa. Lalabanan ka nila at sisirain ang iyong ganda at karunungan. At mawawala ang karangalan mo.
- 8
Masaklap ang magiging kamatayan mo, at ihahagis ka nila sa kailaliman ng karagatan.
- 9
Masasabi mo pa kayang isa kang diyos, sa harap ng mga papatay sa iyo? Para sa kanila, ikaw ay tao lang at hindi diyos.
- 10
Kaya mamamatay ka tulad ng pagkamatay ng mga taong hindi tuli, sa kamay ng mga dayuhan. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
- 11
May sinabi pa ang Panginoon sa akin,
- 12
“Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tiro. Sabihin mo sa kanya: ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: Noon, larawan ka ng isang walang kapintasan, puspos ng kaalaman at kagandahan.
- 13
Nasa Eden ka pa noon, sa halamanan ng Diyos. Napapalamutian ka ng ibaʼt ibang mamahaling bato gaya ng rubi, topaz, esmeralda, krisolito, onise, haspe, safiro, turkois at beril. Napapalamutian ka rin ng ginto na inihanda para sa iyo noong araw ng iyong kapanganakan.
- 14
Hinirang kita bilang kerubin na magbabantay sa banal na bundok ng Diyos. Lumalakad ka sa gitna ng nagniningning na mga bato.
- 15
Walang maipipintas sa iyong pamumuhay mula pa nang ikaw ay isinilang hanggang sa maisipan mong gumawa ng masama.
- 16
Ang pag-unlad mo sa pangangalakal ang naging dahilan ng iyong pagmamalupit at pagkakasala. Kaya pinalayas kita, tagapagbantay na kerubin sa banal na bundok ng Diyos; pinaalis kita mula sa nagniningning na mga bato.
- 17
Naging mayabang ka dahil sa iyong kagandahan, at ang karunungan moʼy iyong ginamit sa paggawa ng masama upang maging sikat ka. Ito ang dahilan kung bakit ibinagsak kita sa lupa sa harapan ng mga hari, upang magsilbing babala sa kanila.
- 18
Dahil sa napakarami mong kasalanan at pandaraya sa pangangalakal, dinungisan mo ang mga lugar kung saan ka sumasamba. Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo, sinunog ko iyong ang lugar at ikaʼy nasunog hanggang sa maging abo sa lupa.
- 19
At ang lahat ng mga nakakakilala sa iyo ay nagulat sa iyong sinapit. Kakila-kilabot ang iyong naging wakas, at lubusan ka nang mawawala.’ ”
- 20
Sinabi sa akin ng Panginoon:
- 21
“Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya;
- 22
sabihin mong: ‘Ang Makapangyarihang Panginoon, ay nagsasabi: Sidon, kalaban kita at ipapakita ko ang aking kaluwalhatian. Pupurihin ako ng mga tao sa oras na parusahan kita, at malalaman nila na ako ang Panginoon. Sa ganitong paraan malalaman mo kung gaano ako kabanal.
- 23
Padadalhan kita ng mga salot at dadanak ang dugo sa iyong mga lansangan. Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo, maraming mamamatay sa mga mamamayan mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.
- 24
“ ‘At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Makapangyarihang Panginoon.
- 25
“ ‘Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon: Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob.
- 26
Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Diyos.’ ”