Amos 4
Darby Translation (en) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Pakinggan ninyo ito, mga babae sa bundok ng Samaria na parang mga pinatabang baka ng Bashan. Ginigipit ninyo ang mga dukha at inaapak-apakan ang mga nangangailangan. Inuutusan pa ninyo ang inyong asawa, “Dalhan mo pa kami ng maiinom!”
- 2
Sumusumpa ang Makapangyarihang Panginoon sa kanyang kabanalan: “Tiyak na darating ang araw na kakaladkarin kayo bilang mga bihag na tulad ng mga isdang nabingwit.
- 3
Palalabasin nila kayo sa inyong lungsod sa pamamagitan ng mga siwang ng inyong gumuhong pader, at dadalhin nila kayo sa lupain ng Harmon,” sabi ng Panginoon.
- 4
“Pumunta kayo sa Betel at gumawa kayo ng kasalanan. Pumunta kayo sa Gilgal at dagdagan pa ninyo ang mga ito. Dalhin ninyo ang inyong mga handog bawat umaga; dalhin ninyo ang inyong mga ikapu tuwing ikatlong araw.
- 5
Sige, magsunog kayo ng tinapay na may pampaalsa bilang handog ng pasasalamat. Ipagmalaki ninyo ang mga iyan pati ang inyong mga handog na kusang-loob, dahil iyan ang gusto ninyong gawin,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon.
- 6
“Ako ang nagpadala sa inyo ng taggutom sa lahat ng inyong mga lungsod at bayan; ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
- 7
“Ako rin ang pumigil sa ulan sa loob ng tatlong buwan bago dumating ang anihan. Pinauulan ko sa isang bayan ngunit sa iba ay hindi. Pinauulan ko sa isang bukirin ngunit sa ibang bukirin ay tigang.
- 8
Ang mga taoʼy pasuray-suray na naghahanap ng tubig; palipat-lipat sila sa mga bayan, pero walang makuhang sapat na maiinom. Ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
- 9
“Sinira ko nang maraming beses ang inyong mga taniman at ubasan sa pamamagitan ng mainit na hangin at ng mga amag. Sinalakay ng mga balang ang inyong mga puno ng igos at olibo. Ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
- 10
“Pinadalhan ko kayo ng mga salot katulad ng mga ipinadala ko sa Ehipto. Ipinapatay ko ang inyong mga binata sa digmaan at ipinabihag ang inyong mga kabayo. Pinuno ko ang inyong mga ilong ng alingasaw ng mga patay sa inyong mga kampo. Ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
- 11
“Nilipol ko ang iba sa inyo katulad ng ginawa ko sa Sodoma at Gomora. At ang ilan sa inyo na nakaligtas ay parang panggatong na inagaw sa apoy. Ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
- 12
“Kaya muli kong gagawin ang mga parusang ito sa inyong mga taga-Israel. At dahil gagawin ko ito, humanda kayo sa pagharap sa akin na inyong Diyos!”
- 13
Ang Diyos ang lumikha ng mga bundok at ng hangin, at siya rin ang nagpapalipas ng araw para maging gabi. Ipinapaalam niya sa tao ang kanyang mga plano at siya ang namamahala sa buong mundo. Ang kanyang pangalan ay Panginoong Diyos ng mga Hukbo.