2 Timothy 3
Chinese Union Version (Traditional) (zh-Hant) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Tandaan mo ito: Magiging mahirap ang mga huling araw,
- 2
dahil magiging makasarili ang mga tao, sakim sa salapi, mayabang, mapagmataas, mapanlait, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, at hindi maka-Diyos.
- 3
Wala silang pagmamahal sa kapwa, ayaw nilang makipagkasundo sa kaaway nila, malupit, walang awa, mapanira sa kapwa, walang pagpipigil sa sarili, at galit sa anumang mabuti.
- 4
Hindi lang iyan, mga taksil sila, mapusok, mapagmataas, mahilig sa kalayawan, sa halip na maibigin sa Diyos.
- 5
Ipinapakita nilang maka-Diyos sila ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa buhay nila. Iwasan mo ang mga taong ganito.
- 6
May ilan sa kanilang gumagawa ng paraan para makapasok sa mga tahanan at manloko ng mga babaeng mahihina ang loob, na lulong na sa kasalanan at alipin ng sari-saring pagnanasa.
- 7
Nais laging matuto ng mga babaeng ito, pero hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman.
- 8
Ang pagsalungat sa katotohanan ng mga lalaking nangangaral sa kanila ay gaya ng pagsalungat nina Janes at Jambres kay Moises. Hindi matino ang pag-iisip nila, at ang sinasabi nilang pananampalataya ay walang kabuluhan.
- 9
Ngunit hindi rin magpapatuloy ang ginagawa nila dahil mahahalata ng lahat ang kahangalan nila, gaya ng nangyari kina Jannes at Jambres.
- 10
Ngunit ikaw, Timoteo, alam mo lahat ang itinuturo ko, ang aking pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis.
- 11
Alam mo rin ang mga dinanas kong pag-uusig at paghihirap, katulad ng nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio at Listra. Ngunit iniligtas ako ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
- 12
Ang totoo, lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang alagad ni Kristo Hesus ay daranas ng pag-uusig.
- 13
Ang masasama at manlilinlang namaʼy lalo pang sásama at patuloy na manlilinlang. Maging sila mismoʼy malilinlang.
- 14
Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo at pinanaligan, dahil alam mo kung kanino mo ito natutunan.
- 15
Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Hesus.
- 16
Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay,
- 17
upang maging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawa ang naglilingkod sa Diyos.