Jeremiah 48
World Chinese Bible (zh-Hans) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, tungkol sa Moab: “Kahabag-habag ang Nebo sapagkat itoʼy mawawasak. Mapapahiya at bibihagin ang Kiryataim; at matitibag ang mga muog nito.
- 2
Ang kadakilaan ng Moab ay naglaho na. Sa Hesbon, nagbabalak ang mga kaaway niya; sabi nila, ‘Halikayo, wasakin natin ang bansa nila.’ At kayong mga mamamayan ng Madmen, tatahimik kayo, dahil kayo ay sasalakayin ng mga sundalo.
- 3
Pakinggan nʼyo ang sigawan sa Horonaim, dahil sa matinding digmaan at kapahamakan.
- 4
Mawawasak ang Moab at mag-iiyakan ang mga bata.
- 5
Ang mga mamamayan ng Moab ay mag-iiyakan nang malakas habang paakyat sila sa Luhit at pababa sa Horonaim. Mag-iiyakan sila dahil sa kapahamakan.
- 6
Iligtas ninyo ang inyong sarili! Tumakas kayo papuntang ilang.
- 7
Mga taga-Moab, nagtitiwala kayo sa kakayahan at kayamanan ninyo kaya bibihagin kayo pati ang diyos-diyosan ninyong si Cemos at ang mga pari at mga pinuno nito.
- 8
Darating ang manlilipol sa bawat bayan at walang bayang makakaligtas. Mawawasak ang mga bayan sa lambak at talampas. Mangyayari ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.
- 9
May pakpak sana ang Moab upang makalipad siya papalayo, dahil wala nang kabuluhan ang mga bayan nito at wala nang maninirahan dito.
- 10
“Sumpain ang taong pabaya sa paggawa ng gawain ng Panginoon! Sumpain ang taong hindi papatay sa mga taga-Moab.
- 11
“Tahimik ang pamumuhay ng Moab mula pa noon. Hindi pa ito nakaranas ng pagkabihag. Para itong alak na hindi nagagalaw sa kanyang sisidlan, at hindi isinalin sa ibang lalagyan. Ang lasa nitoʼy nanatiling malinamnam, ang amoy rin ay hindi nagbabago.
- 12
Ngunit darating ang araw na isusugo ko ang aking mga kaaway,” wika ng Panginoon, “upang ibuhos ang Moab mula sa kanyang lalagyan at pagkatapos ay babasagin ang lalagyan nito.
- 13
At ikakahiya ng mga taga-Moab ang diyos-diyosan nilang si Cemos, gaya ng nangyari sa Betel nang mapahiya ang mga Israelita dahil silaʼy nagtiwala sa mga walang silbing diyos-diyosan nila.
- 14
“Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab na matatapang ang sundalo nila sa pakikipaglaban.
- 15
Ngunit mawawasak ang Moab at ang mga bayan nito. Papatayin ang kanilang matatapang na kabataan,” wika ng Panginoon na haring Makapangyarihan.
- 16
“Nalalapit na ang kapahamakan ng Moab, ang mga sakunaʼy nagbabanta nang dumating.
- 17
Umiyak kayo, kayong lahat na kakampi ng Moab! Sabihin ninyo, ‘Wala na ang Moab! Nabali na ang kanyang tungkod, ang tungkod na sagisag ng kapangyarihan at katanyagan niya.’
- 18
“Kayong mga taga-Dibon, magpakumbaba kayo at maupo sa lupa dahil ang nagwasak sa Moab ay sasalakay din sa inyo at gigibain ang mga lungsod ninyo na napapalibutan ng mga pader.
- 19
Kayong mga nasa Aroer, tumayo kayo sa tabi ng daan at magbantay. Magtanong kayo sa mga nakatakas kung ano ang nangyari.
- 20
Sasagot sila, ‘Nawasak at napahiya ang Moab. Humiyaw kayo at umiyak. Isigaw ninyo sa Arnon na nawasak ang Moab.’
- 21
Parurusahan din ang mga bayan sa talampas: ang Holon, Jaza, Mefaat,
- 22
Dibon, Nebo, Bet-diblataim,
- 23
Kiryataim, Bet-gamul, Bet-meon,
- 24
Keriot at Bozra. Darating na ang parusa sa lahat ng bayan ng Moab, sa malayo at malapit.
- 25
Ubos na ang lakas ni Moab, at ang kanyang kapangyarihan ay wasak na,” wika ng Panginoon.
- 26
“Lasingin ninyo ang Moab dahil naghimagsik siya sa Panginoon. Gugulong siya sa sariling suka at magiging katawa-tawa.
- 27
Kayong mga taga-Moab, hindi baʼt kinutya ninyo ang Israel? Bakit, nahuli ba siyang nagnakaw? Bakit iiling-iling pa kayo sa pagkutya ninyo sa kanya?
- 28
Umalis na kayo sa bayan nʼyo at tumira sa mababatong lugar, kayong mga nakatira sa Moab. Maging tulad kayo ng mga kalapating nagpupugad sa mga bitak ng matatarik at mababatong lugar.
- 29
“Narinig namin ang kayabangan ng mga taga-Moab, kung gaano sila kaangas at kahambog; ang kanilang pagmamalaki at kapalaluan, at ang kanilang mapagmataas na puso.
- 30
Nalalaman ko kung gaano sila kayabang,” sabi ng Panginoon, “ngunit iyan ay walang kabuluhan.
- 31
Kaya ang Moab ay aking iiyakan, tatangisan ko ang kanyang mamamayan, at daraing ako para sa mga taong nasa Kir-heres.
- 32
Iiyak din ako para sa mga taga-Sibma nang higit kaysa sa pag-iyak ko para sa mga taga-Jazer. Sibma, ikaw ay halamang ubas na ang mga sanga ay umabot sa kabila ng Dagat na Patay hanggang sa Jazer. Ngunit ngayon, inubos ng mga maninira ang iyong mga bunga.
- 33
Wala nang maririnig na kasiyahan at katuwaan sa mga bukid at mga ubasan sa lupain ng Moab. Hindi na umaagos ang katas ng ubas sa mga pisaan. Wala nang mga pumipisa ng ubas na sumisigaw sa tuwa. May mga sumisigaw nga, pero hindi na sigaw ng tuwa.
- 34
“Ang iyakan ng mga taga-Hesbon ay naririnig hanggang sa Eleale at Jahaz. Ang iyakan ng mga taga-Zoar ay naririnig hanggang sa Horonaim at sa Eglat-selisiya. Sapagkat kahit ang batis ng Nimrim ay tuyo na.
- 35
Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar at nagsusunog ng insenso sa mga diyos-diyosan nila,” wika ng Panginoon.
- 36
“Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir-hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila.
- 37
Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa kanilang mga kamay at pagsusuot ng damit na pangluksa.
- 38
Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila at sa mga plasa sapagkat winasak ko ang Moab na parang banga na binasag at wala nang pumapansin,” wika ng Panginoon.
- 39
“Gayon na lamang ang pagkawasak ng Moab! Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga mamamayan. Nakakahiya ang Moab. Kinukutya at kinamumuhian ito ng mga bansa sa palibot nito.”
- 40
Sinabi pa ng Panginoon, “Tingnan niyo! Ang kaaway ng Moab ay parang agila na lumilipad upang dagitin ito.
- 41
Sasakupin ang Keriot at ang mga kampo ng Moab. Sa mga araw na iyon, matatakot ang mga sundalo ng Moab katulad ng isang babaeng malapit nang manganak.
- 42
Mawawasak ang Moab dahil sa paghihimagsik niya sa Panginoon.
- 43
Ang sasapitin ng mga taga-Moab ay takot, hukay at bitag,” sabi ng Panginoon.
- 44
“Ang sinumang tatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay. At ang sinumang makakaligtas sa hukay ay mahuhuli sa bitag, dahil talagang parurusahan ko ang Moab sa takdang panahon,” sabi ng Panginoon.
- 45
“Ang mga kawawang nakatakas ay nais magtago sa Hesbon. Ngunit ang Hesbon na pinagharian ni Haring Sihon ay nagliliyab sa apoy at nilamon pati ang mga kabundukan na pinagtataguan ng mga taga-Moab na nagnanais ng digmaan.
- 46
Kahabag-habag kayo, kayong mga taga-Moab! Kayong mga sumasamba sa diyos-diyosang si Cemos ay mapapahamak, Ang inyong mga anak na lalaki ay dadalhin sa ibang bayan at ang inyong mga anak na babae ay bibihagin ng mga dayuhan.
- 47
“Ngunit darating ang araw na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Moab,” sabi ng Panginoon. Ito ang pahayag tungkol sa Moab.