1 Timothy 2
World Chinese Bible (zh-Hans) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Una sa lahat, ipinapakiusap kong ipanalangin nʼyo ang lahat ng tao. Ipaabot ninyo sa Diyos ang kahilingan nʼyo para sa kanila nang may pasasalamat.
- 2
Ipanalangin nʼyo ang mga hari at mga may kapangyarihan upang makapamuhay tayo nang tahimik at mapayapa, may takot sa Diyos at marangal.
- 3
Mabuti ito at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas.
- 4
Nais niyang maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan.
- 5
Sapagkat iisa lang ang Diyos at iisa lang ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao; walang iba kundi ang taong si Kristo Hesus na
- 6
naghandog ng kanyang buhay bilang pantubos sa lahat ng tao. Sa pamamagitan nitoʼy naihayag ang kalooban ng Diyos sa takdang panahong pinili niya.
- 7
At ito ang dahilan ng pagkahirang ko bilang apostol at tagapangaral sa mga Hentil tungkol sa pananampalataya at katotohanan. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling.
- 8
Nais kong sa lahat ng pagtitipon-tipon, ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na kalooban, na sa pagtaas nila ng kamay ay walang sama ng loob o galit sa kapwa.
- 9
Nais ko ring ang mga babae ay maging maayos sa pananamit nila, marangal at nararapat, at iwasan ang labis na pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga alahas o mamahaling damit.
- 10
Sa halip, ang dapat makita sa kanila ay mabubuting gawa, sapagkat ito ang nararapat sa mga babaeng sumasampalataya sa Diyos.
- 11
Ang babae ay dapat matuto nang tahimik at lubos na nagpapasakop.
- 12
Hindi ko pinahihintulutan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki. Kailangang tumahimik lang sila.
- 13
Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva,
- 14
at hindi si Adan ang nadaya. Ang babae ang nadaya at nagkasala.
- 15
Ganoon pa man, maliligtas ang mga babae sa pamamagitan ng panganganak nila, kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at tamang pag-uugali.