Lamentations 2
Clementine Vulgate (la) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sa galit ng Panginoon, tinakpan niya ng makapal na ulap ang Jerusalem. Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel, na parang itinapon mula sa langit papunta sa lupa. At dahil sa kanyang galit, pinabayaan niya ang kanyang templo sa Jerusalem.
- 2
Walang awa ring sinira ng Panginoon ang lahat ng tahanan sa Israel. Sa galit niyaʼy giniba niya ang mga pader na nakapalibot sa Juda. Ibinagsak niya at inilagay sa kahihiyan ang kaharian pati na ang mga pinuno nito.
- 3
Sa tindi ng kanyang poot, inalis niya ang lahat ng kapangyarihan ng Israel. Hindi niya ito tinulungan nang salakayin ng mga kaaway. Para siyang apoy na tumutupok sa mga lahi ng Israel at sa lahat ng bagay sa paligid nito.
- 4
Iniumang niya ang kanyang pana sa kanyang mga mamamayan na naging parang mga kaaway niya. Pinatay ang lahat ng ipinagmamalaki nitong mga mamamayan. Ibinuhos niya ang kanyang matinding galit na parang apoy sa mga mamamayan ng Jerusalem.
- 5
Winasak ng Panginoon ang Israel na parang isang kaaway. Sinira niya ang lahat ng mga pader sa bayan at mga palasyo. Dinagdagan ang pagdadalamhati at pag-iyak ni Juda.
- 6
Winasak niya ang templo na parang isang halamanan lang. Binura ng Panginoon sa alaala ng mga taga-Zion ang itinakdang mga pista at ang Araw ng Pamamahinga. Sa kanyang matinding galit, itinakwil niya ang hari at mga pari.
- 7
Itinakwil din ng Panginoon ang kanyang altar at Templo. Ipinagiba sa kamay ng mga kaaway ang mga pader nito at nagsigawan ang mga ito sa Templo ng Panginoon na parang nagdaraos ng pista.
- 8
Nagpasya ang Panginoon na wasakin ang mga pader ng Jerusalem. Sinukat niya ang mga ito at isinakatuparan ang kanyang plano. Kaya ang mga muog at pader ay tuluyang nagiba; sama-samang nanlupaypay na.
- 9
Bumagsak sa lupa ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem. Sinira at binali ng Panginoon ang mga saraduhan nito. Binihag ang hari at mga pinuno at dinala sa malayong mga bansa. Hindi na rin itinuturo ang kautusan at wala na ring mensahe o pangitain ang Panginoon sa kanyang mga propeta.
- 10
Ang mga tagapamahala ng Jerusalem ay tahimik na nakaupo sa lupa; naglagay sila ng abo sa kanilang ulo at nagdamit ng sako upang magluksa. Ang mga dalaga ng Jerusalem ay nakatirapa, nakatungo ang mga ulo sa lupa.
- 11
Namugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Labis na nababagabag at parang sasabog na ang aking dibdib dahil sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi. Nawalan ng malay sa mga lansangan ang mga bata at mga sanggol.
- 12
Umiiyak silaʼt humihingi ng pagkain at maiinom sa kanilang mga ina. Nawalan sila ng malay tulad ng mga sugatang sundalo sa mga lansangan ng lungsod hanggang sa unti-unting mamatay sa kanlungan ng kanilang ina.
- 13
O Jerusalem, ano pa bang masasabi ko sa iyo? Saan pa ba kita maihahambing? Kasinlalim ng dagat ang iyong sugat. Paano kita maaaliw? Sino ang makapagpapagaling sa iyo?
- 14
Ang pangitaing nakita ng iyong mga propeta ay hindi totoo, walang kabuluhan at mapanlinlang. Ang mga kasalanan moʼy hindi nila inihayag sa iyo upang hindi kayo mabihag.
- 15
Ang lahat ng dumadaaʼy pumapalakpak, sumusutsot at nangungutya. Sinasabi nila sa Jerusalem, “Ito ba ang lungsod na sinasabing ‘Pinakamaganda at kagalakan ng buong mundo?’ ”
- 16
Kinukutya ka ng lahat ng kaaway mo. Sumusutsot at pinangangalit ang kanilang mga ngipin at sinasabing na patutya, “Tuluyan na nating nawasak ang Jerusalem! Ito na ang araw na ating pinakahihintay. At ngayon ngaʼy nakita na natin ito!”
- 17
Ginawa ng Panginoon ang kanyang plano. Tinupad niya ang sinabi niya noon. Walang awa ka niyang giniba, O Jerusalem! Binigyan niya ng kagalakan ang iyong mga kaaway at hinayaan silang ipagyabang ang kanilang kapangyarihan.
- 18
Mga taga-Jerusalem, tumawag kayo sa Panginoon. Umiyak kayo araw at gabi at paagusin ang inyong mga luha na parang ilog. Huwag kayong tumigil sa pag-iyak.
- 19
Bumangon kayo sa gabi at humingi ng tulong sa Panginoon. Ibuhos ninyo sa kanya ang laman ng inyong mga puso, na para kayong nagbubuhos ng tubig. Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa pananalangin para sa inyong mga anak na nawawalan ng malay sa mga lansangan dahil sa gutom.
- 20
Masdan po ninyo kami Panginoon. Isipin nʼyo kung sino ang pinaparusahan nʼyo ng ganito. Dahil sa labis na pagkagutom, kinain ng mga ina ang mga kanilang anak na kanilang inaalagaan. Ang mga pari at ang mga propeta ay pinapatay sa Templo ng Panginoon.
- 21
Nakahambalang sa mga lansangan ang mga bangkay ng mga bata at matatanda. Namamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki at babae. Sa inyong galit, walang habag ninyo silang pinatay.
- 22
Inanyayahan ninyo ang mga kaaway upang akoʼy salakayin sa lahat ng panig, na para kayong nang-iimbita sa kanila sa pista. Sa araw ng paghatol ng Panginoon, walang nakatakas o natirang buháy. Pinatay ng aking mga kaaway ang aking mga anak na isinilang at pinalaki.