Hosea 13
Clementine Vulgate (la) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
“Noong una, kapag nagsalita ang lahi ni Efraim, nanginginig sa takot ang ibang mga lahi ng Israel dahil tinitingala nila ang lahi ni Efraim. Ngunit nagkasala ang mga mamamayan nito dahil sumamba sila sa diyos-diyosang si Baal. Kaya nga namatay sila.
- 2
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin kayo sa paggawa ng kasalanan. Gumagawa kayo ng mga diyos-diyosan mula sa inyong mga pilak upang sambahin. Ngunit ang lahat ng ito ay gawa lamang ng tao at ayon lang sa kanyang naisip. Sinasabi pa ninyo na maghahandog kayo ng tao sa mga diyos-diyosang baka at hahalik sa mga ito.
- 3
Kaya mawawala kayo gaya ng ulap sa umaga o hamog, o gaya ng ipa sa giikan na tinatangay ng hangin o ng usok na lumalabas sa pausukan.
- 4
“Ako ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto. Wala kayong kikilalaning Diyos at Tagapagligtas maliban sa akin.
- 5
Kinalinga ko kayo doon sa disyerto, sa lupaing tuyot at walang tubig.
- 6
Ngunit pagkatapos ko kayong pagpalain at paunlarin, naging mapagmataas kayo at kinalimutan na ninyo ako.
- 7
Kaya sasalakayin ko kayo at lalapain tulad ng ginagawa ng mabangis na hayop sa kanyang biktima. Lalapain ko kayo gaya ng ginagawa ng leon at ng osong inagawan ng anak. Babantayan ko kayo sa daan at sasalakayin tulad ng hayop na leopardo.
- 9
“Pupuksain ko kayong mga taga-Israel dahil ako na nagligtas sa inyo ay kinalaban ninyo.
- 10
Nasaan na ngayon ang mga hari at mga pinuno na sa tingin ninyoʼy magliligtas sa inyo? Hiningi ninyo sila sa akin sa pag-aakalang maliligtas nila kayo, at sa galit ko sa inyoʼy ibinigay ko nga ang mga ito, at dahil din sa galit ko, silaʼy kinuha ko.
- 12
Hindi ko makakalimutan ang mga kasalanan ninyo. Katulad ang mga ito ng kasulatang binalot at itinago.
- 13
Binigyan ko kayo ng pagkakataong magbagong-buhay subalit tinanggihan ninyo ito sapagkat mga mangmang kayo. Para kayong mga sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina sa panahon na dapat na siyang lumabas.
- 14
“Hindi ko kayo ililigtas sa kamatayan. Sa halip sasabihin ko sa kamatayan, ‘O kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Nasaan ang iyong kapahamakan na papatay sa kanila?’ “Hinding-hindi ko kayo kahahabagan.
- 15
Kahit na mas maunlad kayo kaysa sa inyong kapwa, lilipulin ko kayo. Paiihipin ng Panginoon ang mainit na hanging silangan na nagmumula sa disyerto at matutuyo ang inyong mga bukal at mga balon, at sasamsamin ang inyong mahahalagang ari-arian.
- 16
Dapat pasanin ng mga taga-Samaria ang kanilang pagkakasala dahil naging suwail sila sa akin na kanilang Diyos. Mamamatay sila sa digmaan; ang kanilang mga sanggol ay dudurugin, at ang tiyan ng kanilang mga buntis ay lalaslasin.”