Nahum 3
Brenton English Septuagint (en) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Kahabag-habag ang lungsod ng Nineve. Ito ay puno ng kasakiman at kasinungalingan, lungsod ng mamamatay-tao at hindi nauubusan ng mabibiktima.
- 2
Sasalakayin sila ng mga kalaban nila. Maririnig nila ang hagupit ng latigo, ang ingay ng mga gulong ng mga karwahe, ang yabag ng paa ng mga kabayo, at ang rumaragasang mga karwahe.
- 3
Makikita nila ang sumusugod na mga mangangabayo, ang kumikinang na mga espada at mga sibat, at ang nakabuntong mga patay na di-mabilang. Matitisod sa mga bangkay ang mga sundalo.
- 4
Mangyayari ito sa Nineve dahil para siyang babaeng bayaran, isa siyang mapang-akit na mangkukulam. Sa pang-aakit niya, naaalipin niya ang mga bansa; sa panggagayuma niya, nasasakop niya sila.
- 5
Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Mga taga-Nineve, kalaban ko kayo! Kaya ipapahiya ko kayo sa harapan ng mga bansa at mga kaharian. Makikita nila kayong huboʼt hubad katulad sa isang babaeng itinaas ang palda hanggang ulo.
- 6
Kasusuklaman ko kayo; hahagisan ko kayo ng dumi at papanoorin kayo ng mga tao.
- 7
Lahat ng makakakita sa inyo ay lalayo sa inyo at sasabihing, ‘Nawasak na ang Nineve. Sino ang magluluksa para sa kanya?’ Walang mahahanap na aaliw sa kanya.”
- 8
Higit bang mabuti ang Nineve kaysa sa lungsod ng Tebes na malapit sa Ilog Nilo? Ang ilog na ito ang pinakapader ng Tebez na nagsisilbing proteksyon nito.
- 9
Ang Etiopia at ang buong Ehipto ang pinanggagalingan ng lakas ng Tebez, at ang akala niyaʼy mananatili ito magpakailanman. Ang Put at ang Libya ay mga bansang kakampi rin niya.
- 10
Ganoon pa man, naging bihag pa rin ang kanyang mga mamamayan at dinala sa ibang lugar. Ang kanilang mga anak ay pinagdudurog sa mga lansangan. Ginapos ng kadena ang kanilang mga tinitingalang mamamayan at pinaghiwa-hiwalay para gawing alipin sa pamamagitan ng palabunutan.
- 11
Kayo ring mga taga-Nineve, kikilos kayong parang mga lasing. Magtatago kayo at maghahanap ng kanlungan mula sa inyong mga kaaway.
- 12
Ang lahat ng inyong mga napapaderang lungsod ay magiging parang mga puno ng igos na ang unang bunga ay hinog na; at kapag inuga ang puno, malalaglag ang mga bunga at maaari nang kainin.
- 13
Tingnan ninyo ang inyong mga kawal para silang mga babae! Ang tarangkahan ng pintuan ng inyong lungsod ay masusunog, kaya madali na itong mapapasok ng inyong mga kalaban.
- 14
Humanda na kayo sa pagsalakay ng inyong kalaban. Mag-ipon na kayo ng tubig. Patibayin ninyo ang mga pader sa palibot ng inyong lungsod. Gumawa kayo ng mga tisa at ayusin ninyo ang mga pader na ito.
- 15
Pero mamamatay kayo sa inyong kinaroroonan sa pamamagitan ng apoy at espada. Para kayong halamanang sinalakay ng mga balang. Dumami kayo na parang balang!
- 16
Pinarami ninyo ang inyong mga mangangalakal na higit pa sa mga bituin sa langit. Subalit magiging tulad sila ng mga balang na pagkatapos na maubos ang mga tanim ay lumipad nang palayo.
- 17
Ang inyong mga tagapagbantay at mga opisyal ay kasindami ng mga balang na nakadapo sa mga pader kapag malamig ang panahon. Ngunit pagsikat ng araw ay nagliliparan at walang nakakaalam kung saan sila pumunta.
- 18
Hari ng Asiria, patay na ang iyong mga pinuno. Ang mga maharlika moʼy hindi na magigising kailanman. Nakakalat sa kabundukan na parang mga tupa ang iyong mamamayan, at wala nang magtitipon sa kanila.
- 19
Ang katulad moʼy nasugatan nang malubha na hindi gumagaling. Ang lahat ng makakabalita sa sinapit mo ay magpapalakpakan sa tuwa, dahil silang lahat ay nakaranas ng iyong kalupitan.