Ephesians 5
Brenton English Septuagint (en) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Kaya tularan ninyo ang Diyos dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak.
- 2
Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Kristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Diyos.
- 3
Hindi kayo dapat maparatangan na gumagawa ng kahit anong seksuwal na imoralidad, kalaswaan o kasakiman, dahil hindi ito nararapat sa mga hinirang ng Diyos.
- 4
At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Diyos.
- 5
Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Kristo at ng Diyos. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga diyos-diyosan.
- 6
Huwag kayong padadala sa mga walang kabuluhang pangangatwiran, sapagkat dahil sa mga bagay na itoʼy kinapopootan ng Diyos ang mga suwail.
- 7
Kaya huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito.
- 8
Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, ngunit ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayoʼy nasa Panginoon na. Ipakita ninyo sa inyong pamumuhay na naliwanagan na kayo.
- 9
(Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.)
- 10
Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon.
- 11
Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ilantad ninyo ang kasamaan nila.
- 12
Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim.
- 13
Ngunit kung pagsasabihan ninyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa.
- 14
Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag. Kaya nga sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa mga patay at liliwanagan ka ni Kristo.”
- 15
Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo mamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong.
- 16
Samantalahin ninyo ang lahat ng pagkakataon sa paggawa ng mabuti, dahil marami ang gumagawa ng kasamaan sa panahong ito.
- 17
Kaya huwag kayong kumilos nang hindi nag-iisip, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
- 18
Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Espiritu.
- 19
Mag-usap-usap kayo gamit ang mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon.
- 20
Palagi kayong magpasalamat sa Diyos Ama sa lahat ng bagay bilang mananampalataya ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
- 21
Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Kristo.
- 22
Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop ninyo sa Panginoon.
- 23
Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Kristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.
- 24
Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Kristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.
- 25
Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Kristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya
- 26
upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita ng Diyos.
- 27
Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis.
- 28
Gayundin naman, dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili.
- 29
Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Kristo sa kanyang iglesya,
- 30
sapagkat mga bahagi tayo ng kanyang katawan.
- 31
Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.”
- 32
Napakalalim ng kahulugan ng misteryong ito, ngunit ang tinutukoy ko ay si Kristo at ang kanyang iglesya.
- 33
Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa.