Amos 5
Brenton English Septuagint (en) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:
- 2
“Ang Israel na katulad ng isang babaeng birhen ay nabuwal at hindi na muling makabangon. Pinabayaan siyang nakahandusay sa sarili niyang lupain at walang tumutulong para ibangon siya.”
- 3
Ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, “Sa isang libong sundalo na ipapadala ng isang lungsod sa Israel, isang daan na lang ang matitira. At sa isang daang sundalo na kanyang ipapadala, sampu na lang ang matitira.”
- 4
Ito ang sinasabi ng Panginoon sa Israel: “Dumulog kayo sa akin at mabubuhay kayo.
- 5
Huwag na kayong pumunta sa Betel, sa Gilgal, o sa Beer-seba, upang sumamba roon. Sapagkat siguradong bibihagin ang mga mamamayan ng Gilgal at mawawala ang Betel.”
- 6
Dumulog kayo sa Panginoon, kayong mga lahi ni Jose, at mabubuhay kayo. Dahil kung hindi, lulusubin kayo na parang apoy. Kaya malilipol ang Betel at walang makakapigil nito.
- 7
Nakakaawa kayo! Ang katarungan ay ginagawa ninyong marumi at pinawawalang-halaga ninyo ang katuwiran!
- 8
Ang Diyos ang lumikha ng grupo ng mga bituing tinatawag na Pleyades at Orion. Siya ang nagpapalipas ng liwanag sa dilim, at ng araw sa gabi. Tinitipon niya ang tubig mula sa karagatan upang pumunta sa mga ulap at muling ibuhos sa lupa sa pamamagitan ng ulan. Panginoon ang kanyang pangalan.
- 9
Agad niyang winawasak ang matitibay na napapaderang bayan, at dinudurog ang napapaderang lungsod.
- 10
Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman.
- 11
Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani. Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyong bato, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas.
- 12
Sapagkat alam ko kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap.
- 13
Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang.
- 14
Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo, gaya nang inyong sinasabi.
- 15
Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.
- 16
Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo: “Darating ang araw na maririnig ang mga iyakan at panaghoy sa mga plasa at mga lansangan. Ipapatawag ang mga magsasaka upang umiyak sa mga patay kasama ng mga taong inupahan upang umiyak.
- 17
May mga iyakan din sa inyong mga taniman ng ubas. Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo,” sabi ng Panginoon.
- 18
Nakakaawa kayong naghihintay sa araw ng paghatol ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo.
- 19
Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, ngunit nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas.
- 20
Tiyak na darating ang araw ng paghatol ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.
- 21
Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon.
- 22
Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog pangkapayapaan ay hindi ko tatanggapin.
- 23
Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa.
- 24
Sa halip, nais kong makita na pinapairal ninyo ang katarungan at ang katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos.
- 25
“Mga mamamayan ng Israel, noong nasa ilang ang inyong mga ninuno sa loob ng apatnapung taon, naghandog ba sila sa akin? Hindi!
- 26
At ngayon ay buhat-buhat ninyo si Sakut, ang diyos-diyosang itinuturing ninyong hari, at si Kaiwan, ang diyos-diyosan ninyong bituin. Ginawa ninyo itong mga imahen para sambahin.
- 27
Kaya ipapabihag ko kayo at dadalhin sa kabila pa ng Damasco,” sabi ng Panginoon na tinatawag na Panginoong Makapangyarihan.