Hosea 9
IRV Bengali (bn) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Huwag kayong matuwa, Israel; huwag kayong magdiwang katulad ng mga ibang bansa. Sapagkat hindi kayo naging tapat sa inyong Diyos; nasisiyahan kayo sa inyong upa bilang babaeng bayaran, at inaakalang ang mga butil sa bawat giikan ay ibinigay ng inyong diyos-diyosan.
- 2
Ngunit sa bandang huli, mauubusan kayo ng mga trigo at bagong alak.
- 3
Lilisanin ninyo ang Israel, ang lupain ng Panginoon, at babalik kayo sa Ehipto, at ang iba sa inyo ay pupunta sa Asiria, at doon ay kakain kayo ng mga pagkaing itinuturing ninyong marumi.
- 4
Hindi na kayo papayagang magbuhos ng mga handog na inumin sa Panginoon. Wala sa anumang handog ninyo ang nakakalugod sa kanya. Ang mga itoʼy ituturing na marumi gaya ng pagkaing inihahain ng isang taong nagluluksa. Ang inyong mga pagkain ay para lamang sa inyong sarili at hindi maaaring ihandog sa Templo ng Panginoon.
- 5
Kung ganoon, ano ngayon ang inyong gagawin kapag dumating ang mga espesyal na araw ng pagsamba o mga pista upang parangalan ang Panginoon?
- 6
Kahit na makatakas kayo sa kapahamakan, titipunin pa rin kayo sa Ehipto at ililibing sa Memfis. Matatakpan ng mga damo at matitinik na halaman ang inyong mga mamahaling kagamitang pilak pati ang inyong mga tolda.
- 7
Mga taga-Israel, dumating na ang araw ng inyong kaparusahan, ang araw na gagantihan kayo sa inyong mga ginawa. At tiyak na malalaman ninyo na dumating na nga ito. Sinasabi ninyo, “Ang propetang iyan ay hangal, isang lingkod ng Diyos na nasisiraan ng ulo.” Sinasabi ninyo iyon dahil marami na kayong mga kasalanan at galit kayo sa akin.
- 8
Bilang propeta, kasama ko ang Diyos sa pagbabantay sa inyo na mga taga-Israel. Ngunit kahit saan ako pumunta ay nais ninyo akong ipahamak; para akong ibon na gusto ninyong mahuli sa bitag. Galit sa akin ang mga tao sa Israel, na itinuturing ng Diyos na kanyang tahanan.
- 9
Napakasama na ninyo tulad ng mga lalaki noon sa Gibea. Aalalahanin ng Diyos ang inyong mga kasamaan, at parurusahan niya kayo sa inyong mga kasalanan.
- 10
Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Israel, noong piliin ko ang mga ninuno ninyo na maging mamamayan, tuwang-tuwa ako. Gaya ng taong tuwang-tuwa nang makakita ng ubas na tumubo sa disyerto o nang makakita ng unang bunga ng puno ng igos. Ngunit nang pumunta sila sa Baal Peor, itinalaga nila ang kanilang sarili sa mga nakakasuklam na diyos-diyosan, at naging gaya sila ng mga kasuklam-suklam na diyos-diyosang iyon na kanilang iniibig.
- 11
Mga taga-Israel, mawawala ang inyong kadakilaan na parang ibong lumipad. Wala nang mabubuntis at wala ring manganganak sa inyong mga kababaihan.
- 12
At kung may manganganak man, kukunin ko ang mga anak nila at magluluksa kayo. Nakakaawa naman kayo kapag iniwan ko na kayo.
- 13
Ang tingin ko sa inyo noon ay parang palmang tumutubo sa matabang lupa. Ngunit ngayon, kailangang dalhin ninyo ang inyong mga anak sa digmaan para mamatay.”
- 14
Panginoon, ganoon nga po ang gawin ninyo sa inyong mga mamamayan. Loobin nʼyo pong hindi magkaanak at makapagpasuso ang mga kababaihan nila.
- 15
Sinabi ng Panginoon, “Ang lahat ng kasamaan ng aking mga mamamayan ay nagsimula sa Gilgal. Doon pa lang ay kinapootan ko na sila. At dahil sa kanilang kasamaan, palalayasin ko sila sa lupain ng Israel na aking tahanan. Hindi ko na sila mamahalin. Naghimagsik sa akin ang lahat ng kanilang mga pinuno.
- 16
Para silang tanim na natuyo ang ugat kaya hindi namumunga. At kahit mabuntis man sila, papatayin ko ang mga minamahal nilang anak.”
- 17
Itatakwil ng aking Diyos ang mga Israelita dahil hindi sila sumunod sa kanya. Kaya magiging mga palaboy sila sa ibaʼt ibang bansa.