Zephaniah 2
Arabic Van Dyck (ar) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Magtipon kayo at magsama-sama, kayong mga bansang walang kahihiyan,
- 2
bago dumating ang itinakdang araw na kayoʼy palalayasin at ipapadpad na parang mga ipa. Magsisi na kayo bago dumating ang araw ng pagbuhos ng Panginoon ng kanyang matinding poot.
- 3
Kayo namang mga mapagpakumbaba at sumusunod sa mga utos ng Panginoon, hanapin ninyo siya. Ipagpatuloy ninyong itaguyod ang katuwiran at pagpapakumbaba. Baka sakaling ingatan kayo ng Panginoon sa araw na ibuhos niya ang kanyang galit.
- 4
Wala nang titira sa Gaza at iiwang wasak ang Ashkelon. Wala nang tao sa Asdod pagdating ng tanghaling tapat, at lalayas na ang mga mamamayan ng Ekron.
- 5
Nakakaawa kayong mga Kereteo na nakatira sa tabing-dagat. Ito ang sinasabi ng Panginoon laban sa inyo: “Kayong mga Filisteo sa Canaan, lilipulin ko kayo, at walang matitira sa inyo.”
- 6
Kaya ang inyong mga lupain sa tabing-dagat ay magiging pastulan at kulungan ng mga tupa.
- 7
Sasakupin iyon ng natitirang mga taga-Juda. Doon sila magpapastol ng kanilang mga hayop at pagsapit ng gabi ay matutulog sila sa mga bahay sa Ashkelon. Kahahabagan sila ng Panginoon na kanilang Diyos at pauunlarin silang muli.
- 8
Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Diyos ng Israel, “Narinig ko ang pang-iinsulto at panunuya ng mga taga-Moab at Amonita sa aking mga mamamayan. Ipinagyayabang nilang kaya nilang sakupin ang lupain ng aking mga mamamayan.
- 9
Kaya isinusumpa ko,” wika ng Makapangyarihang Panginoon, ang Diyos ng Israel, “na wawasakin ko ang Moab at Amon katulad ng Sodoma at Gomora. At ang lupain ng Israel ay hindi na mapapakinabangan habang panahon. Tutubuan ito ng mga matitinik na damo, at mapupuno ng mga hukay na gawaan ng asin. Lulusubin ito ng natitira kong mga mamamayan at sasamsamin nila ang mga ari-arian nito.”
- 10
Sinabi ni Zefanias: Iyan ang ganti sa pagyayabang ng mga taga-Moab at Amonita. Sapagkat ipinapahiya nila at nilalait ang mga mamamayan ng Panginoon ng mga Hukbo.
- 11
Sisindakin sila ng Panginoon dahil lilipulin niya ang lahat ng mga diyos-diyosan sa buong mundo. At sasambahin siya ng mga tao sa lahat ng bansa sa kani-kanilang bayan.
- 12
Sinabi ng Panginoon, “Kayo ring mga taga-Etiopia , ipapapatay ko kayo sa digmaan.”
- 13
Parurusahan ko rin ang Asiria na nasa hilaga. Magiging tulad ng ilang ang Nineve, tigang na parang disyerto.
- 14
Magiging pastulan ito ng mga baka, kambing, at ng ibaʼt ibang uri ng mga hayop sa kawan. Dadapo ang mga kuwago sa mga nasirang haligi, at maririnig ang kanilang huni sa mga bintana. Masisira ang mga pintuan at matatanggal ang mga sedrong kahoy nito.
- 15
Ganyan ang mangyayari sa lungsod ng Nineve, na nagmamalaki na walang sasalakay sa kanila at walang hihigit sa kanila. Ngunit lubusang mawawasak ang lungsod na iyon at titirhan na lamang ng mga hayop sa gubat. At ang bawat dadaan doon ay kukutyain sila, at masisindak sa sinapit nito.