Lamentations 3
Arabic Van Dyck (ar) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Isa ako sa mga nakaranas ng parusa ng Panginoon dahil sa kanyang galit.
- 2
Pinalayas niya ako at pinalakad sa dilim sa halip na sa liwanag.
- 3
Paulit-ulit niya akong pinarusahan araw at gabi.
- 4
Pinahina ang aking katawan at binali ang aking mga buto.
- 5
Sinalakay niya ako at ibinilanggo sa paghihirap at pagdurusa.
- 6
Inilagay sa kadiliman na parang isang tao na matagal nang patay.
- 7
Kinadena niya ako at ikinulong upang hindi makatakas.
- 8
Kahit na humingi ako ng tulong, hindi niya ako pinakinggan.
- 9
Hinarangan niya ng pader na bato ang aking landas, at pinaliku-liko ang aking dadaanan.
- 10
Para siyang oso o leon na nag-aabang para salakayin ako.
- 11
Kinaladkad ako palayo sa daan at pagkatapos ay nilapa at iniwan.
- 12
Iniumang niya ang kanyang pana at itinutok sa akin.
- 13
Pinana niya ako at tumagos ito sa puso ko.
- 14
Naging katawa-tawa ako sa aking mga kalahi. Buong araw nila akong inaawitan ng pangungutya.
- 15
Pinuno niya ako ng labis na kapaitan at binigyan ng inuming may lason.
- 16
Nabungi ang mga ngipin ko dahil pinakain niya ako ng graba, at saka tinapak-tapakan niya ako sa lupa.
- 17
Inalis niya ako sa maganda kong kalagayan at hindi ko na naranasan ang kasaganaan.
- 18
Nawala na ang karangalan ko at lahat ng pag-asa sa Panginoon.
- 19
Napakasakit isipin ang mga paghihirap at pagdurusa kong tulad ng mapait na lason.
- 20
At kung palagi ko itong iisipin, manghihina ako.
- 21
Ngunit nanunumbalik ang aking pag-asa sapagkat aking naalala:
- 22
Dahil ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan kaya hindi tayo tuluyang nalipol.
- 23
Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon!
- 24
Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.”
- 25
Mabuti ang Panginoon sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya.
- 26
Mabuting matiyagang maghintay sa pagliligtas ng Panginoon.
- 27
Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa ay matuto nang makipamatok at sumunod.
- 28
Kapag tinuturuan tayo ng Panginoon, tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti.
- 29
Magpakumbaba tayo sa harap ng Panginoon at huwag mawalan ng pag-asa.
- 30
Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila. At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway.
- 31
Dahil hindi tayo itatakwil ng Panginoon magpakailanman.
- 32
Ngunit kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin.
- 33
Dahil hindi siya natutuwa na tayoʼy saktan o pahirapan.
- 34
Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo,
- 35
o balewalain ang karapatan ng tao.
- 36
Ayaw din ng Kataas-taasang Diyos na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao. Nakikita niya ang lahat ng ito.
- 37
Walang anumang bagay na nangyayari na hindi pinahihintulutan ng Panginoon.
- 38
Hindi baʼt ang Kataas-taasang Diyos ang nagpapasya kung mangyayari ang isang bagay, mabuti man ito o masama?
- 39
Kaya bakit tayong mga taoʼy magrereklamo kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan?
- 40
Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa Panginoon.
- 41
Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Diyos na nasa langit at sabihin:
- 42
“Panginoon, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad.
- 43
“Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay.
- 44
Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili upang hindi nʼyo marinig ang aming mga panalangin.
- 45
Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa.
- 46
“Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway.
- 47
Dumanas kami ng matinding takot, panganib, pagkasira at kapahamakan.”
- 48
Napaluha ako dahil sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi.
- 49
Patuloy akong iiyak, at dadaloy ang aking luha nang walang tigil,
- 50
hanggang sa tumunghay ang Panginoon mula sa langit.
- 51
Labis akong nasaktan sa sinapit ng mga kababaihan ng aking lungsod.
- 52
Hinahabol ako ng aking mga kaaway na parang isang ibon, kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila.
- 53
Sinubukan nila akong patayin sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon.
- 54
Halos malunod na ako at ang akala koʼy mamamatay na ako.
- 55
Doon sa ilalim ng balon, tumawag ako sa inyo Panginoon.
- 56
Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko at paghingi ng tulong.
- 57
Dumating kayo nang akoʼy tumawag at sinabi ninyong huwag akong matakot.
- 58
Tinulungan nʼyo ako sa aking problema, Panginoon, at iniligtas nʼyo ang aking buhay.
- 59
Panginoon, nakita ninyo ang kasamaang ginawa sa akin ng aking mga kaaway, kaya bigyan ninyo ako ng katarungan.
- 60
Alam ninyo kung paano nila ako pinaghigantihan at ang lahat ng kanilang binabalak laban sa akin.
- 61
Napakinggan nʼyo, O Panginoon, ang kanilang mga pangungutya at alam ninyo ang lahat ng binabalak nila laban sa akin.
- 62
Buong araw nilang pinag-uusapan ang pinaplano nilang masama laban sa akin.
- 63
Masdan nʼyo, nakaupo man sila o nakatayo, kinukutya nila ako sa pamamagitan ng pag-awit.
- 64
Panginoon, parusahan nʼyo sila ayon sa kanilang ginagawa.
- 65
Patigasin nʼyo ang mga puso nila at sumpain nʼyo sila.
- 66
Sa galit nʼyo Panginoon, habulin nʼyo sila at lipulin nang mawala na sila sa mundong ito.