Jeremiah 51
Arabic Van Dyck (ar) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito pa ang sinabi ng Panginoon: “Udyukan ko ang mangwawasak na sumalakay laban sa Babilonia at sa mga mamamayan nito.
- 2
Magpapadala ako ng mga dayuhan para salakayin at wasakin ang Babilonia na tulad ng ipang tinatangay ng hangin. Lulusubin nila ang Babilonia sa lahat ng dako sa araw ng kapahamakan nito.
- 3
Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagapana ng Babilonia na magamit ang mga pana o mga baluti nila. Wala silang ititirang kabataang lalaki. Lubusan nilang lilipulin ang mga hukbo ng Babilonia.
- 4
Hahandusay ang mga bangkay sa lupain ng Babilonia, ang mga nilaslas ay naroon sa mga daan.
- 5
Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo ay hindi itinakwil ang Israel at Juda Siya pa rin ang kanilang Diyos kahit labis ang kasalanan ng kanilang lupain laban sa Nag-iisang Banal ng Israel.
- 6
“Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay! Hindi kayo dapat mamatay dahil sa kasalanan ng Babilonia. Panahon na ng paghihiganti ng Panginoon nang nararapat ayon sa mga ginawa niya.
- 7
Ang Babilonia ay tulad ng tasang ginto sa kamay ng Panginoon na puno ng alak. Pinainom niya ang mga bansa sa buong daigdig, at silaʼy nalasing at naging baliw.
- 8
Biglang mawawasak ang Babilonia! Ipagluksa ninyo siya! Gamutin ninyo ang kanyang mga sugat at baka sakaling gumaling siya.”
- 9
“Sinabi ng mga dayuhang naninirahan doon, ‘Sinikap naming gamutin ang Babilonia pero hindi na ito magagamot pa. Pabayaan na lang natin siya at umuwi na tayo sa mga lugar natin. Sapagkat hanggang langit na ang kanyang mga kasalanan kaya parurusahan na siya ng Panginoon.’
- 10
“Sinabi ng aking mga mamamayan na bihag doon, ‘Ipinaghiganti tayo ng Panginoon. Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem at sabihin natin doon ang ginawa ng Panginoon na ating Diyos.’ ”
- 11
“Patalasin ninyo ang inyong mga pana at ihanda ang inyong mga pananggalang. Inudyukan ng Panginoon ang mga hari ng Media na wasakin ang Babilonia dahil ito ang layunin niya. Maghihiganti ang Panginoon sa Babilonia dahil sa paggiba nito sa kanyang Templo.
- 12
Itaas ninyo ang watawat na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia. Dagdagan ninyo ang mga guwardiya; ipuwesto ang mga bantay. Palibutan ninyo ang lungsod! Panahon na upang gawin ng Panginoon ang kanyang plano laban sa mga taga-Babilonia.”
- 13
O Babilonia, sagana ka sa tubig at sagana ka rin sa kayamanan. Ngunit dumating na ang katapusan mo, ang araw ng iyong kapahamakan.
- 14
Sumumpa ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo sa kanyang sarili, “Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang, at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”
- 15
Nilikha niya ang mundo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, at sa kanyang karunungan ay inilatag niya ang kalawakan.
- 16
Sa kanyang utos ay lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalawakan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.
- 17
Mga mangmang at walang pang-unawa ang bawat taong sumasamba sa mga diyos-diyosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga diyos-diyosan nila, dahil hindi naman totoong diyos ang mga ito. Wala silang buhay,
- 18
wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito.
- 19
Ngunit ang Diyos ni Jacob ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang lahi na kanyang hinirang, Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan.
- 20
Sinabi ng Panginoon, “Ikaw ang panghampas ko, ang sandata ko sa digmaan. Sa pamamagitan mo, wawasakin ko ang mga bansa at sisirain ang mga kaharian,
- 21
dudurugin ko ang mga kabayo, karwahe at ang mga nakasakay dito.
- 22
Sa pamamagitan mo, lilipulin ko ang mga lalaki at babae, ang mga matatanda at bata, at ang mga binata at dalaga.
- 23
Lilipulin ko rin sa pamamagitan mo ang mga kawan at mga pastol, ang mga magbubukid at mga baka, ang mga pinuno at iba pang mga namamahala.
- 24
“Mga mamamayan ko, ipapakita ko sa inyo ang paghihiganti ko sa Babilonia at sa mga mamamayan nito dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila sa Jerusalem,” sinabi ng Panginoon.
- 25
“Kalaban kita, O Babilonia, ikaw na tinaguriang Bundok na Mapangwasak! Winasak mo ang buong mundo,” sabi ng Panginoon. “Gagamitin ko ang kapangyarihan ko upang wasakin at sunugin ka.
- 26
Walang anumang batong makukuha sa iyo para gamitin sa pagtatayo ng bahay. Magiging malungkot ang iyong kahihinatnan sa habang panahon,” sabi ng Panginoon.
- 27
“Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay! Patunugin ang trumpeta sa mga bansa! Ihanda sila para salakayin ang Babilonia. Utusang sumalakay ang mga sundalo ng Ararat, Mini at Asquenaz. Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia. Magpadala kayo ng mga kabayong kasindami ng mga balang.
- 28
Paghandain mo ang mga hari ng Media, pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila, at ang lahat ng bansang nasasakupan nila para salakayin ang Babilonia.
- 29
Nayayanig ang lupa at namimilipit, sapagkat isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano laban sa Babilonia, na gawing tiwangwang ang dakong ito, at wala nang maninirahan dito.
- 30
Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban at mananatili na lang sila sa kanilang tanggulan. Mauubos ang kanilang lakas at manghihina sila na parang mga babae. Masusunog ang mga bahay nila at masisira ang tarangkahan ng kanilang mga pintuan.
- 31
Sunod-sunod na darating ang mga tagapagbalita para sabihin sa hari ng Babilonia na ang buong lungsod ay nasakop na.
- 32
Naagaw ang mga tawiran sa mga ilog. Sinunog ang mga kampo at nasisindak ang mga sundalo.”
- 33
Ito ang sinabi Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel: “Ang Babilonia ay tulad ng trigo na malapit nang anihin at giikin.”
- 34
Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Si Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang dragong lumamon sa amin. Binusog niya ang kanyang tiyan ng aming mga kayamanan. Wala siyang itinira sa aming lungsod na parang banga na walang laman. Itinaboy niya kami at hindi namin alam kung ano ang aming gagawin.
- 35
Gawin din sana sa Babilonia ang ginawa niya sa amin at sa mga anak namin. Pagbayaran sana ng mga mamamayan ng Babilonia ang mga pagpatay nila,” sabi ng mga taga-Jerusalem.
- 36
Kaya sinabi ng Panginoon: “Mga taga-Jerusalem, ipagtatanggol ko kayo at maghihiganti ako para sa inyo. Patutuyuin ko ang dagat at ang mga bukal sa Babilonia.
- 37
Wawasakin ko ang bansang Babilonia! Magiging katawa-tawa at kasumpa-sumpa ang bansang ito, at wala nang maninirahan dito maliban sa mga asong-gubat.
- 38
Ang mga taga-Babilonia ay aatungal na parang leon. Sila ay uungol katulad ng mga batang leon.
- 39
At dahil silaʼy gutom, ipaghahanda ko sila ng piging. Lalasingin ko sila, pasasayahin at patutulugin nang mahimbing habang panahon, at hindi na magigising,” sabi ng Panginoon.
- 40
“Dadalhin ko sila upang katayin na parang mga tupa at mga kambing.
- 41
“Papaanong bumagsak ang Babilonia? Ang bansang hinahangaan ng buong mundo! Nakakatakot tingnan ang nangyari sa kanya!
- 42
Matatabunan ng malalakas na alon ang Babilonia.
- 43
Magiging malungkot ang kanyang mga bayan na parang disyerto na walang taong nakatira o dumadaan man lang.
- 44
Parurusahan ko si Bel na diyos-diyosan ng Babilonia. Ipapasuka ko sa kanya ang kanyang mga nilamon. Hindi na siya dadagsain ng mga bansa para sambahin. Bumagsak na ang mga pader ng Babilonia.
- 45
“Mga hinirang ko, lumayo na kayo sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay bago ibuhos ng Panginoon ang kanyang galit.
- 46
Ngunit huwag kayong matatakot o manlulupaypay kung dumating na ang balita tungkol sa digmaan. Sapagkat ang balita tungkol sa digmaan ng mga hari ay darating sa bawat taon.
- 47
Darating ang panahon na parurusahan ko ang mga diyos-diyosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong Babilonia, at bubulagta sa daan ang lahat ng mga bangkay ng kanyang mamamayan.
- 48
At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan ang langit at ang lupa, at ang lahat ng nandito dahil sa pagkawasak ng Babilonia. Sapagkat sasalakayin ito ng mga mangwawasak mula sa hilaga,” sabi ng Panginoon.
- 49
“Kinakailangang wasakin ang Babilonia dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita at sa iba pang mga tao sa buong mundo.
- 50
Kayong mga natitirang buháy mula sa digmaan, tumakas na kayo mula sa Babilonia at huwag kayong tumigil! Alalahanin ninyo ang Panginoon at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar.
- 51
“Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami. Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan dahil ang Templo ng Panginoon ay dinungisan ng mga dayuhan.’
- 52
“Ngunit darating ang araw na parurusahan ko ang mga diyos-diyosan ng Babilonia. At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia ay maririnig sa kanilang buong lupain,” sabi ng Panginoon.
- 53
“Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito,” sabi ng Panginoon.
- 54
“Maririnig ang mga iyakan sa buong Babilonia dahil sa pagkawasak nito.
- 55
Wawasakin ng Panginoon ang Babilonia at matatahimik ang malakas na boses nito. Sasalakay sa kanya ang mga kaaway na parang umuugong na alon. Maririnig ang kanilang sigawan sa kanilang pagsalakay.
- 56
Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang kanyang mga kawal, at mababali ang kanilang mga pana. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Diyos na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya.
- 57
Lalasingin ko ang kanyang mga tagapamahala, mga marurunong, mga pinuno, mga punong sundalo at ang kanyang buong hukbo. Mahihimbing sila at hindi na magigising habang panahon,” sabi ng Hari na ang pangalan ay Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
- 58
Sinabi pa ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo: “Gigibain ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng kanyang mga mamamayan dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”
- 59
Ito ang sinabi ng propetang si Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedequias. Si Seraya ay anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedequias. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedequias sa Juda.
- 60
Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia.
- 61
Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya: “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito.
- 62
Pagkatapos ay manalangin ka, ‘O Panginoon, sinabi nʼyo po na wawasakin nʼyo ang lugar na ito upang walang manirahan dito, maging tao man o hayop, at itoʼy magiging tiwangwang magpakailanman.’
- 63
Pagkabasa mo sa kasulatan, talian mo ito ng bato at ihagis sa Ilog Eufrates.
- 64
At sabihin mo, ‘Ganyan ang mangyayari sa Babilonia, lulubog ito at hindi na lilitaw pa dahil sa mga kapahamakang ipararanas ng Panginoon sa kanya. Mamamatay ang mga mamamayan niya.’ ” Ito ang katapusan ng mensahe ni Jeremias.