Jeremiah 49
Arabic Van Dyck (ar) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Ito naman ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga Amonita: “Wala bang lahi si Israel na magmamana ng lupaing ito? Kayong mga sumasamba sa diyos-diyosang si Molec, bakit kayo nakatira sa mga bayan ng lupain ni Gad?
- 2
Darating ang araw,” sabi ng Panginoon, “na ipapasalakay ko sa mga kaaway ang Rabba. Wawasakin ang lungsod nʼyong ito pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin. Sa ganitong paraan, mapapalayas ng mga taga-Israel ang mga nagpalayas sa kanila,” sabi ng Panginoon.
- 3
“Umiyak kayo nang malakas, kayong mga taga-Hesbon dahil wasak na ang Ai. Umiyak din kayong mga taga-Rabba. Magdamit kayo ng damit na sako at magparooʼt parito sa gilid ng pader upang ipakita ang inyong pagluluksa. Sapagkat bibihagin ang diyos-diyosan nʼyong si Molec pati ang mga pari at pinuno niya.
- 4
Kayong mga taksil, bakit ninyo ipinagyayabang ang inyong masaganang mga kapatagan? Nagtitiwala kayo sa inyong kayamanan at sinasabi ninyong walang sasalakay sa inyo.
- 5
Magpapadala ako sa inyo ng mga kaaway mula sa mga bansa sa palibot ninyo upang takutin kayo,” sabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo. “Palalayasin nila kayo sa inyong lupain at walang sinumang makakatulong sa inyo.
- 6
“Ngunit darating ang araw na ibabalik ko kayamanan ng mga Amonita,” sabi ng Panginoon.
- 7
Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo tungkol sa Edom: “Nasaan na ang marurunong sa Teman? Wala na bang natitirang marunong magpayo?
- 8
Kayong mga nakatira sa Dedan tumakas kayo at magtago sa malalalim na kuweba. Sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang mga lahi ni Esau sa oras na parusahan ko sila.
- 9
Hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng mga bunga? Hindi baʼt ang mga magnanakaw ay kumukuha rin lang ng anumang magugustuhan nila?
- 10
Ngunit kukunin ang lahat ng ari-arian ng mga angkan ni Esau. Kukunin ko ang takip ng pinagtataguan nila upang hindi na sila makapagtago. Mamamatay ang mga anak, kamag-anak at mga kapitbahay nila. Walang matitira sa kanila.
- 11
Ngunit maiiwan sa akin ang mga ulila nʼyo dahil ako ang kakalinga sa kanila. At ang mga biyuda nʼyo ay makakaasa sa akin.”
- 12
Sinabi pa ng Panginoon, “Kung ang mga walang kasalanan ay nagdurusa, kayo pa kaya? Tiyak na parurusahan kayo.
- 13
Isinusumpa ko sa sarili ko na ang Bosra ay mawawasak. Magiging nakakatakot ang kalagayan nito, at kukutyain at susumpain ito. Ang lahat ng bayan nito ay magiging wasak magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
- 14
Narinig ko ang balita mula sa Panginoon na nagpadala siya ng mga sugo sa mga bansa upang paghandain sila sa digmaan at hikayatin silang salakayin ang bansa ng Edom.
- 15
Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Gagawin ko kayong mas mababa kaysa sa ibang mga bansa, at hahamakin kayo ng sangkatauhan.
- 16
Ipinagmamalaki ninyong kayoʼy nakatira sa batuhan at matataas na lugar. Ngunit sa pagmamataas at pananakot ninyong ito sa iba, dinadaya lamang ninyo ang inyong sarili. Sapagkat kahit na naninirahan kayo sa pinakamataas na lugar katulad ng pinagpupugaran ng agila, ibabagsak ko pa rin kayo,” sabi ng Panginoon.
- 17
Sinabi pa ng Panginoon, “Magiging malagim ang kalagayan ng Edom. Ang lahat ng dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala sa nangyari sa bansang ito.
- 18
Kung paanong nawasak ang Sodoma at Gomora at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Edom. At wala nang taong maninirahan dito,” sabi ng Panginoon.
- 19
Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatang malapit sa Ilog Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Edom. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin?
- 20
Kaya pakinggan ninyo ang binabalak gawin ng Panginoon laban sa Edom pati sa mga mamamayan ng Teman: Bibihagin ko ang mga anak nila at gigibain ang mga tahanan nila.
- 21
At dahil sa matinding pagkawasak ng Edom, mayayanig ang lupa at ang iyakan ng mga tagaroon ay maririnig hanggang sa Dagat na Pula.
- 22
Tingnan nʼyo! Ang kaaway ay parang agila na lumilipad na dadagit sa mga taga-Bosra. Sa panahong iyon, matatakot at magiging parang babaeng malapit nang manganak ang mga sundalo sa Edom.
- 23
Ito ang mensahe tungkol sa Damasco: “Natakot ang mga taga-Hamat at taga-Arpad sa masasamang balita na kanilang narinig. Naguguluhan at nanlulupaypay sila, at hindi mapalagay katulad ng maalong dagat.
- 24
Nanghihina ang mga taga-Damasco at tumakas sila dahil sa takot. Takot at sakit ng damdamin ang nararamdaman nila na para bang babaeng malapit nang manganak.
- 25
Ang tanyag at masayang lungsod ng Damasco ay itinakwil.
- 26
Ang mga kabataan niyang lalaki ay mamamatay sa mga lansangan pati ang lahat ng kanyang kawal,” wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
- 27
“Susunugin ko ang mga pader ng Damasco, pati ang matitibay na palasyo ni Haring Ben-hadad.”
- 28
Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kedar at mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia: “Humanda kayo at salakayin ninyo ang Kedar. Lipulin ninyo ang mga taong ito ng silangan.
- 29
Ang mga tolda, kawan, mga ari-arian, at mga kamelyo nila ay sasamsamin. Sisigaw sila, ‘Napapaligiran tayo ng mga nakakatakot nating kaaway.’
- 30
“Mga taga-Hazor, magmadali kayo at tumakas!” sabi ng Panginoon. “Magtago na kayo sa mga kuweba. Nagplano ng masama laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.
- 31
“Lusubin ninyo ang mga taong namumuhay nang tiwasay at hindi nababalisa,” sabi ng Panginoon. “Walang trangka ang pintuan ng lungsod nila, at nabubuhay sila na sila-sila lang.
- 32
Ang mga kamelyo nila at ang lahat ng kanilang kawan ay magiging inyo. Ikakalat ko ang mga taong ito na nakatira sa malayong lugar at ipapadala ko sa kanila ang kapahamakan mula sa kung saan-saan,” sabi ng Panginoon.
- 33
“Magiging malungkot ang Hazor magpakailanman at walang taong maninirahan doon kundi mga asong-gubat.”
- 34
Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay propeta Jeremias tungkol sa Elam noong nagpasimulang maghari si Zedequias sa Juda.
- 35
Sinabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo, “Papatayin ko ang mga tagapana ng Elam, ang pinakamahusay nilang mga kawal.
- 36
Sasalakayin ang Elam ng mga kaaway mula sa lahat ng panig, at ikakalat ko ang kanyang mga mamamayan sa lahat ng dako. Bibihagin sila sa lahat ng bansa sa buong daigdig.
- 37
Lilipulin ko ang mga taga-Elam sa pamamagitan ng kanilang mga kaaway na nais pumatay sa kanila. Talagang ipapadala ko sa kanila ang kapahamakan dahil sa matindi kong galit sa kanila,” sabi ng Panginoon. “Ipapasalakay ko sila sa kanilang mga kaaway hanggang sa mawala silang lahat.
- 38
Papatayin ko ang hari at ang mga pinuno ng Elam, at itatayo ko roon ang aking trono,” sabi ng Panginoon.
- 39
“Ngunit darating ang araw na ibabalik ko ang Elam sa mabuti niyang kalagayan,” sabi ng Panginoon.