Ezekiel 30
Arabic Van Dyck (ar) → Open Tagalog Contemporary Bible (tl)
- 1
Sinabi ng Panginoon sa akin:
- 2
“Anak ng tao, sabihin mo ang ipinasasabi ko sa mga taga-Ehipto. Sabihin mong: Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: ‘Umiyak kayo nang malakas dahil sa kapahamakang darating sa inyo.
- 3
Sapagkat malapit nang dumating ang araw na iyon, ang araw ng paghatol ng Panginoon. Magiging maulap ang araw na iyon, oras ng kadiliman para sa mga bansa.
- 4
Sasalakayin ang Ehipto at maghihirap ang Etiopia. Maraming mamamatay na taga-Ehipto, sasamsamin ang mga kayamanan nila at wawasakin ito.
- 5
Sa digmaang iyon, mapapatay ang maraming taga-Etiopia, Put, Lydia, Arabia, Libya at iba pang mga bansang kakampi ng Ehipto.
- 6
“ ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: Mapapahamak ang mga kakampi ng Ehipto at mababalewala ang kanyang ipinagmamalaking kapangyarihan. Mamamatay ang kanyang mga mamamayan mula sa Migdol hanggang sa Aswan.
- 7
Magiging tiwangwang ang Ehipto sa lahat ng bansa at ang kanyang mga lungsod ang magiging pinakawasak sa lahat ng mga lungsod.
- 8
Malalaman nila na ako ang Panginoon kapag sinunog ko na ang Ehipto at mapuksa ang lahat ng kanyang kakampi.
- 9
“ ‘Sa panahong iyon, magsusugo ako ng mga tagapagbalita na sasakay sa mga barko upang takutin ang mga taga-Etiopia na hindi nababahala. Matatakot sila sa oras na mawasak ang Ehipto, at ang oras na iyon ay tiyak na darating.
- 10
“ ‘Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon: Gagamitin ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia upang patayin ang mga mamamayan ng Ehipto.
- 11
Siya at ang kanyang mga sundalo, na siyang pinakamalulupit na sundalo sa lahat ng mga bansa ang ipapadala ko sa Ehipto upang wasakin ito. Makikipagdigmaan sila dito at kakalat ang mga bangkay sa buong lupain.
- 12
Patutuyuin ko ang Ilog Nilo at ipapasakop ko ang Ehipto sa masasamang tao. Wawasakin ko ang buong bansa ng Ehipto at ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
- 13
“ ‘Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon: Wawasakin ko ang mga diyos-diyosan at sisirain ko ang mga imahe sa Memfis. Wala nang mamumuno sa Ehipto at tatakutin ko ang mga mamamayan nito.
- 14
Gagawin kong tiwangwang ang Patros, susunugin ko ang Zoan at parurusahan ko ang Tebes.
- 15
Ibubuhos ko ang galit ko sa Pelosium, ang matibay na tanggulan ng Ehipto, at lilipulin ko ang maraming taga-Tebes.
- 16
Susunugin ko ang Ehipto; magtitiis ng hirap ang Pelosium. Mawawasak ang Tebes, at laging matatakot ang Memfis.
- 17
Mamamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki ng Heliopolis at Bubastis, at ang mga matitirang tao sa mga lungsod na ito ay bibihagin bilang mga alipin.
- 18
Kapag inalis ko na ang kapangyarihan ng Ehipto, magiging madilim ang araw na iyon para sa Tapanhes. Mawawala na ang ipinagmamalaking kapangyarihan ng Ehipto. Matatakpan siya ng ulap, at ang mga mamamayan sa kanyang mga lungsod ay bibihagin.
- 19
Ganyan ang magiging parusa ko sa Ehipto at malalaman ng kanyang mga mamamayan na ako ang Panginoon.’ ”
- 20
At noong ikapitong araw ng unang buwan, nang ikalabing-isang taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin:
- 21
“Anak ng tao, binali ko ang braso ng Faraon na hari ng Ehipto. Walang gumamot sa kanya upang gumaling at lumakas upang muling makahawak ng espada.
- 22
Kaya sabihin mo sa kanya na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing laban ako sa Faraon ng Ehipto. Babaliin ko ang isa pa niyang braso upang mabitawan niya ang kanyang espada.
- 23
Ikakalat ko ang mga taga-Ehipto sa ibaʼt ibang bansa.
- 24
Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia at pahahawakan ko sa kanya ang aking espada. Ngunit babaliin ko ang mga braso ng Faraon, at dadaing siyang sugatan at halos mamatay na sa harap ng hari ng Babilonia.
- 25
Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia, pero gagawin kong inutil ang mga braso ng Faraon. Kapag ipinahawak ko ang aking espada sa hari ng Babilonia at gamitin niya ito laban sa Ehipto, malalaman ng mga taga-Ehipto na ako ang Panginoon.
- 26
Ikakalat ko ang mga taga-Ehipto sa lahat ng bansa at malalaman nila na ako ang Panginoon.”